Pineapples are sweet fruits commonly cultivated in the tropics. They look weird compared to other fruits. It has a thorny crown and rough surface. A legend says that a young girl was cursed to have a hundred eyes which later became the first pineapple.
Read the Filipino version of the legend of the pineapple below.
Ang Alamat ng Pinya
Noong unang panahon may nakatirang mag-ina sa isang malayong pook. Ang ina ay si Aling Rosa at ang anak ay si Pinang. Mahal na mahal ni Aling Rosa ang kaisa-isa niyang anak. Kaya naging spoiled ito. Gusto ng ina na matuto si Pinang ng mga gawaing bahay, ngunit laging ikinakatwiran ni Pinang na alam na niyang gawin ang mga itinuturo ng ina. Kaya’t hinahayaan na lang niya ang kanyang anak.
Isang araw nagkasakit ang kanyang ina. Hindi ito makabangon at makagawa ng mga gawaing bahay. Inutusan niya si Pinang na magluto ng lugaw dahil nagugutom siya. Isinalang ni Pinang ang lugaw ngunit napabayaan dahil sa kalalaro. Ang lugaw ay dumikit sa palayok at nasunog. Nagpasensiya na lang si Aling Rosa, napagsilbihan naman siya kahit paano ng anak.
Nagtagal ang sakit ni Aling Rosa kaya’t napilitang si Pinang ang gumagawa ng mga gawaing bahay. Isang araw, sa kanyang pagluluto hindi makita ni Pinang ang posporo. Tinanong niya ang kanyang ina kung nasaan ito. Maya-maya sandok naman ang kanyang hinahanap. Paulit-ulit ang nangyayari. Kapag may mga bagay siya na di niya makita ay agad-agad niyang tinatanong sa kanyang ina.
Nainis si Aling Rosa sa katatanong ng anak at nagsabing, ” Naku! Pinang, sana’y magkaroon ka ng maraming mata upang makita mo ang lahat ng bagay na iyong hinahanap at hindi ka na tanong nang tanong sa akin.”
Dahil alam niyang galit na ang kanyang ina ay di na umimik si Pinang. Umalis siya upang hanapin ang sandok na hinahanap. Kinagabihan, wala si Pinang sa bahay. Nabahala si Aling Rosa. Tinatawag niya ang kanyang anak ngunit hindi ito sumasagot. Napilitan siyang bumangon at naghanda ng makakain.
Pagkaraan ng ilang araw ay magaling-galing na si Aling Rosa ngunit wala hindi niya parin nakita si pinang. Hinanap niya si Pinang kung saan-saan. Tinanong niya ang mga kapitbahay at kaibigan ng kanyang anak kung nakita nila si pinang. Ngunit naglahong parang bula si Pinang. Hindi na nakita ni Aling Rosa si Pinang.
Isang araw, may nakitang halaman si Aling Rosa sa kanyang bakuran. Hindi niya alam kung anong uri ng halaman ito. Inalagaan niyang mabuti hanggang sa ito’y magbunga. Laking pagkamangha ni Aling Rosa ng makita ang anyo ng bunga nito. Ito’y hugis-ulo ng tao at napapalibutan ng mata.
Biglang naalaala ni Aling Rosa ang huli niyang sinabi kay Pina, na sana’y magkaroon ito ng maraming mata para makita ang kanyang hinahanap. Napaluha si Aling Rosa at nagsisisi dahil nagkatotoo ang kanyang mga sinabi sa anak. Inalagaan niyang mabuti ang halaman at tinawag itong Pinang. Sa palipat-lipat sa bibig ng mga tao ang pinang ay naging pinya.