Ang Alamat ng Lansones tells the legend of the lansones fruit. As the story goes, lansones was once thought to contain poison, or lason, and no one dared to eat the fruit. Until a mysterious lady appeared and removed the poison from the fruit producing the sweet tasting lansones we know today.
Read the Filipino version of the legend of the lansones fruit below.
Ang Alamat ng Lansones
Noong unang panahon, sa isang bayan sa Laguna matatagpuan ang napakaraming mga puno na may hugis bilog na bunga. Mukhang masarap ang prutas ngunit walang sino man ang may lakas ng loob na kumain nito sapagkat ang mga bunga raw ay lason.
Napatunayan nilang lason ang mga bunga nang isang araw ay may napadpad na isang matandang manlalakbay sa kanilang bayan. Dahil sa pagod ng matanda, naupo ito sa ilalim ng nasabing puno upang makapagpahinga. Nang makita ng manlalakbay ang mga bunga nito ay bigla niyang naalala ang kanyang gutom at pumitas ng mga ito.
May isa sa mga taong bayan ang nakakita nang isubo ng matanda ang bunga. Tinangka niya itong pigilan ngunit huli na ng naabutan niya ang matanda. Nakain na nito ang lasong bunga at unti-unti na itong nanghina at bumubula ang bibig at tuluyang nawalan na ng buhay. Dahil sa pangyayaring ito, mas lalong natakot ang mga taong bayan na lumapit sa puno.
Sumapit ang isang matinding tagtuyot sa lugar. Namatay ang mga pananim at ang tanging natira ay ang punong lason na may maraming-maraming bunga. Taimtim na nag-dasal ang mga taong bayan na sana’y matapos na ang tagtuyot upang sila ay muling makapagtanim at makapag-ani ng makakain sapagkat malapit ng maubos ang naipon nilang pagkain.
Isang araw sa kainitan ng tanghali, isang napakagandang babae ang dumating at kumatok sa mga pintuan ng mga taong bayan. Nanlilimos ito upang humingi ng makakain. Ngunit walang maibigay ang mga tao sapagkat salat din sila sa pagkain. Isang bata ang lumapit sa magandang babae at nagbigay ng kaunting pagkain. Pagpasensyahan na daw niya ito dahil iyon na lamang ang natitira niyang pagkain.
Napangiti ang babae at kinuha ang pagkaing inabot ng bata. Pinagmasdan ng bata ang babae habang ito’y kumakain. Pagkatapos kumain, tinanong ng babae ang bata kung bakit nila nasabing salat sila sa pagkain samantalang marami namang bunga ang kanilang mga punong-kahoy. Ikinuwento ng bata sa babae na lason ang mga bungang ito. Napangiti ang babae at umiling ito.
Pumitas siya ng bunga at pinisil ito hanggang sa lumabas ang laman. Bago pa man napigilan ng bata ang babae ay naisubo na nito ang puting laman ng bunga. Nagtaka ang bata sapagkat walang nangyari sa babae, sa halip nakangiti nitong ibinigay ang prutas sa bata na siya namang tinikman ng bata.
Masarap at manamis-namis ang prutas. Sa sobrang saya ng bata ay napasigaw ito at tinawag ang mga kapitbahay upang matikman din nila ang prutas. Nagsilabasan ang mga taong bayan. Noong una ayaw nilang paniwalaan ang bata dahil nga lason ito ngunit di naglaon ay tinikman din nila ito at napag-alaman ngang matamis ang bunga. Hinanap nila ang magandang babae upang pasalamatan ngunit wala na ito. Pinaniniwalaan ng mga taong bayan na ang babaeng iyon ay isang diwatang sumagot sa kanilang panalangin.
At simula noon ang dating lason ay naging “lansones”.