Ang Alamat ng Kabayo tells the legend of horses. It follows the story of the parents Ayong and Karing and their son. While a child is a joy to one’s family, their son brought them sorrow.
Here’s the story about the legend of horses.
Noong araw, may mag-asawang namumuhay sa masaya at tahimik na lugar kahit hindi sila biniyayaan kahit isang anak. Sila ay sina Ayong at Karing. Kuntento na sila sa isa’t isa, nang isang araw ay may isang magandang sorpresa na dumating sa kanilang buhay.
Buntis si Karing!
Nagpasalamat sa Diyos ang mag-asawa dahil biniyayaan sila na magkaroon ng anak.
“Ipinapangako kong gagawin ko ang lahat upang mapaligaya at mabubuhay ko kayo nang maayos ng magiging anak natin,” pangako ni Ayong.
Ilang buwan ang nakaraan ay isinilang na ni Karing ang isang malusog na batang lalaki. Dahil sa nag-iisang anak nila ito, sinikap nina Ayong at Karing na maipagkaloob sa anak ang lahat ng saya at masarap na buhay. Labis nila itong minahal at inispoiled kaya lumaking masama ang ugali. Palasagot ito at ayaw na ayaw nitong palaging pinagsasabihan. Kapag siya’y pinapagalitan ito ay agad-agad na naglalayas.
Minsan ay hindi natiis ni Ayong ang ginawang pagsagot ng anak kay Karing kaya pinangaralan niya ang kanyang anak. Nang araw ding iyon ay naglayas ito at napadpad sa paanan ng isang bundok.
May isang matandang lalaki na namumuhay sa paanan ng bundok na nagmamagandang loob sa kanya kaya nagkaroon ng matutuluyan ang binatilyo.
Nang malaman ng matanda na naglayas siya sa kanilang bahay ay pinayuhan siya nito.
“Umuwi ka at humingi ng tawad sa mga magulang mo. Hindi mainam na nagtatanim ng galit sa ama mo’t ina,” ang sabi ng matanda.
Minasama iyon ng binata. Nagalit siya sa matanda at pinagsisipa ang bangkong inuupuan.
“Wala kang pakialam sa buhay ko at lalong wala kang karapatang pagalitan ako! Dahil hindi mo ako ka ano-ano” galit na sabi ng binatilyo.
Marami pang masasakit na salitang binitiwan ang binatilyo na walang tigil sa kasisipa sa lahat ng abutan ng paa.
Lingid sa kaalaman ng binata ay engkantado pala ang matanda. Sa nakitang masama niyang asal ay ginawa siya nitong hayop na may apat na paa na walang tigil sa kasisipa.
Nang mapagod sa kasisipa ay napaiyak ang binatilyo ngunit halinghing lang ang lumabas sa bibig niya.
Huli na ang kanyang pagsisisi dahil hindi na siya makakabalik sa dating anyo bilang isang tao. Napilitan siyang umuwi sa magulang.
Dahil sa likas na mababait talaga ang mag-asawa, kinupkop nina Ayong at Karing ang hayop na isang umaga ay ayaw nang umalis sa kanilang bakuran. Inalagaan nila ito na parang tao. Naging malaking tulong siya sa ama. Gumaan ang gawain nito at bumilis ang pag-unlad ng kanilang pamumuhay.
Binigyan siya ng pangalan ng mag-asawa. Mula sa Karing at Ayong ay tinawag siyang Kayong, ang pinagmulan sa salitang kabayo.