Ang Alamat ng Niyog talks about the legend of the coconut tree. It tells the story of a boy named Miyog and his parents. Despite his small size, he vowed to someday grow big, tall and to be useful to his family.
Read the Filipino version of the legend of the coconut tree below.
Noong unang panahon, may isang batang nag ngangalang Miyog. Napakaliit niyang bata na halos kalahati ng isang normal na bata, ngunit siya’y mayroong napakataas na pangarap sa buhay na balang-araw siya ang magiging tulay para makabangon sa kahirapan ang kanyang pamilya.
Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, palaging nahihirapan at pagod sa paghahanapbuhay ang mga magulang ni Miyog. Lagi niyang binabalak na tumulong ngunit pinapa-galitan lamang siya ng kanyang ama at sinasabing, “huwag ka ng tumulong,napakaliit mo, wala kang maitutulong at sa halip ay makakaperwisyo ka pa”.
Kaya sa tuwing umaalis ng bahay ang kanyang mga magulang upang maghanapbuhay, palihim na lang niyang nililinis ang kanilang tahanan at maging ang kapaligiran nito bilang tulong, ngunit hindi man lang ito napapansin ng kanyang mga magulang.
Isang gabi, nag-usap ang mag-asawa. “Kahit ano gawin nating pagsisikap ay hindi pa rin tayo makaahon sa kahirapan. Habang tumatagal, mas lalo tayong nagdudusa,” sabi ng ama.
“Ang ating anak, simula nung ipinanganak ko siya ay naging simula din ng ating paghihirap, malas na nga siya wala pa siyang pakinabang sa ating hanapbuhay,” ang sabi ng ina. Ngunit ang hindi nila alam ay naririnig pala sila ng kanilang anak.
Dahil sa inis at sama ng loob, naisip ni Miyog na lumayas at magpakalayu-layo upang makapag isip-isip. Buong gabi siyang umiyak ng umiyak. Kinabukasan ng madaling araw, lumayas siya at sa harap ng kanilang pinto ay nag-iwan ng sulat na naglalaman ng kanyang hinanakit sa mga sinabi ng kanyang mga magulang.
Panandalian siyang tumigil at sinabi niyang . . “isinusumpa ko, lalaki rin ako at titingalain ng maraming tao, mararamdaman nyo rin na isa akong malaking kawalan sa buhay niyo.” Kasabay ng pagtakbo niya mula sa kinatatayuan ang pagtulo ng kanyang mga luha.
Ilang araw na ang nakakalipas ngunit hindi pa rin nila napapansin ang pagkawala ni Miyog.
Ngunit isang gabi pag-uwi nila, napansin din nila ang dumi at kalat sa loob ng bahay ganun na rin ang paligid nito.
Hindi naglaon, nagkasakit ang ama ni Miyog, dahil sa mga insektong dumumog sa kanilang bahay dahil sa dumi at nabubulok na basura na nakapaligid sa bahay.
Doon nila napagtanto na wala napala ang kaisa-isa nilang anak na si Miyog at siya lamang ang posibling naglilinis ng paligid nung siya’y nandito pa.
Ilang linggong hinanap ng ina si Miyog ngunit hindi niya ito mahanap. Napa upo nalamang ang ina at napapikit sa may pinto at sinabing, “Miyog, anak, kung nandito ka lamang sana ay maayos ang kalagayan ng iyong ama”. Pagmulat niya nasilaw siya sa isang liwanag kasabay ng pagtubo ng isang puno na may bunga.
Kasabay din nito ang pagkakita sa sulat na ginawa ni Miyog. Habang nag tatagal ay lalong dumadami ang puno at napakinabangan ng tao ang lahat ng parte nito mula ugat,bunga hanggang sa dahon nito.
Laking pasasalamat ng mga tao doon at isang malaking pakinabang ang punong iyon sa kanila, nagsilbi itong pagkain, inumin, at maging gamot sa mag sakit at kung anu-ano pang magandang maitutulong na makukuha dito.
“Siguro nga ay si Miyog ang punong iyan, nagsisisi akong nasabi kong wala siyang pakinabang,” ang sabi ng ina. Di nagtagal, tinawag nila itong punong miyog, hanggang sa naging puno ng niyog.
Hanggang sa ngayon, tinitingala at napakalaki pa rin ng pakinabang ng mga tao sa puno ng niyog. Dito nakukuha ng karamihan ang ipinagmamalaking mga produkto ng Pilipinas.